Mga mag-aaral sa Daraga National High School, dumalo sa lecture na inilunsad ng mga awtoridad
Matagumpay na dumalo ang mga mag-aaral sa Daraga National High School sa inilunsad ng Daraga Municipal Police Station na lecture kaugnay sa Violence Against Women and Children (VAWC) noong Hunyo 8, 2026, kasabay ng pagbubukas ng klase para sa School Year 2026-2027.
Dakong alas-8:00 ng umaga nang isagawa ang aktibidad sa nasabing paaralan sa pangunguna ni PCpl Caroll Anne M. Villegas, Police Community Affairs and Development (PCAD) PNCO ng Daraga MPS, sa ilalim ng direktang superbisyon ni PLTCOL Mary Grace P. Tagtag, Chief of Police.
Layunin ng talakayan na palawakin ang kamalayan ng mga mag-aaral hinggil sa iba’t ibang anyo ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan, mga umiiral na batas na nagbibigay proteksyon sa kanila, at ang kahalagahan ng pagsasalita at paghingi ng tulong sa mga kinauukulan kapag sila ay nakararanas o nakasasaksi ng anumang uri ng pang-aabuso.
Sa pamamagitan ng interaktibong talakayan, ibinahagi ni PCpl Villegas ang mga halimbawa ng sitwasyon na may kaugnayan sa VAWC, mga paraan upang maiwasan ito, at ang mahalagang papel ng kabataan sa pagtataguyod ng paggalang, pagkakapantay-pantay, at kaligtasan sa loob ng paaralan at komunidad.
Naging daan din ang aktibidad upang magkaroon ng bukas na talakayan sa pagitan ng mga mag-aaral at mga tagapagsalita tungkol sa mga isyung kinahaharap ng kabataan sa kasalukuyan.
Ipinakita ng aktibidad na ang edukasyon ay hindi lamang nakatuon sa akademikong pagkatuto kundi maging sa paghubog ng kamalayan, responsibilidad, at kakayahan ng kabataan na tumindig laban sa anumang anyo ng karahasan at pang-aabuso.