PENRO Siquijor, nanguna sa Clean-Up Drive para sa mas malinis af ligtas na kalikasan sa isla
Muling ipinakita ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga institusyong pang-edukasyon, at mga organisasyong pangkomunidad ang kanilang matibay na pagkakaisa para sa pangangalaga ng kalikasan sa isinagawang Tabau Peatland Clean-Up and Litter Pick Activity noong Hunyo 8, 2026, bilang pagdiriwang ng World Oceans Day sa Siquijor.
Sa pangunguna ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Siquijor, katuwang ang Environmental Management Bureau (EMB) NIR at Mines and Geosciences Bureau (MGB) NIR, matagumpay na naisakatuparan ang malawakang paglilinis sa Tabau Peatland sa Barangay Tinago, Siquijor.
Naging makabuluhan ang programa dahil sa aktibong pakikilahok ng iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Siquijor; Philippine Coast Guard (PCG) mula sa mga sub-station ng Siquijor, Lazi, San Juan, at Larena; Philippine Army; Philippine Statistics Authority (PSA); Philippine Information Agency (PIA); mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga mag-aaral.
Sa kabuuan, 123 kalahok na binubuo ng kabataan, nakatatanda, at mga boluntaryo mula sa iba’t ibang organisasyon ang nagsama-sama upang linisin ang lugar. Bunga ng kanilang sama-samang pagsisikap, nakalikom sila ng 4,183 piraso ng basura na may kabuuang timbang na 179.41 kilo, na agad na dadalhin sa tamang pasilidad ng Municipal Local Government Unit para sa wastong pagproseso at pagtatapon.
Layunin ng aktibidad na mapangalagaan ang mahalagang peatland at mga yamang tubig ng lalawigan laban sa lumalalang suliranin ng polusyon at basura.
Ang matagumpay na aktibidad na ito ay sumasalamin sa layunin ng PENRO Siquijor at mga katuwang nitong ahensya na palakasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa karagatan at likas na yaman. Higit sa lahat, ipinakita nito na sa pamamagitan ng pagkakaisa at malasakit ng bawat mamamayan, posible ang pagbuo ng isang mas malinis, mas ligtas, at mas luntiang kinabukasan para sa susunod na henerasyon.