Gift-giving activity para sa mga bata sa Legazpi City, inilunsad
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 31st Police Community Relations (PCR) Month ngayong Hulyo, nagsagawa ang Legazpi City Police Station (LCPS) sa pakikipagtulungan ng Legazpi City Police Press Corps ng isang School Supplies Gift-Giving Activity para sa mga mag-aaral ng Barangay Bagong Abre Day Care Center sa Legazpi City nitong umaga ng Hulyo 1, 2026.
May kabuuang 10 batang mag-aaral ang nabigyan ng school supplies bilang suporta sa kanilang pag-aaral at paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase.

Layunin ng aktibidad na maipakita ang malasakit ng kapulisan sa komunidad, lalo na sa kapakanan at edukasyon ng mga kabataan.
Sa naturang programa, nagbigay rin ng maikling paalala si PLT Myra Balaoro, Admin Officer ng Legazpi City Police Station, sa mga magulang hinggil sa responsableng paggabay sa kanilang mga anak, partikular na sa wastong paggamit ng gadgets.

Binigyang-diin ni PLT Balaoro ang kahalagahan ng paglilimita sa paggamit ng gadgets at social media ng mga bata upang mapangalagaan ang kanilang pag-unlad, pagkatuto, at pangkalahatang kapakanan.
Patuloy na isinusulong ng Legazpi City Police Station ang mga programang nakatuon sa pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng mga makabuluhang aktibidad na nagtataguyod ng edukasyon, kaligtasan, at kapakanan ng bawat mamamayan.