BPATs sa Brgy. Baraoidan, pinalakas ang kaalaman sa kapayapaan at seguridad
Matagumpay na nagsagawa ng orientation at training ang 2nd Cagayan Police Mobile Force Company (PMFC) para sa mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ng Brgy. Baraoidan, Gattaran, Cagayan noong Hunyo 30, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Pinangunahan ni PLt Charlie M. Cagayan, Platoon Leader ng 2nd Maneuver Platoon Force (2nd MFP), 2nd Cagayan PMFC, ang nasabing aktibidad. Layunin nitong mabigyan ang mga BPAT ng karagdagang kaalaman at kasanayan upang mas maging epektibong katuwang ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang nasasakupan.

Tampok sa pagsasanay ang mga lecture hinggil sa Basic Arresting Techniques, kabilang ang tamang paggamit ng handcuffs, citizen’s arrest, at ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga BPAT bilang katuwang ng Philippine National Police sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Tinalakay rin sa ilalim ng Project ALERT (Awareness Lecture on End War on Terrorism and Illegal Drugs) ang masasamang epekto ng ipinagbabawal na gamot, ang banta ng terorismo sa komunidad, at ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at maagap na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maiwasan ang anumang banta sa seguridad.
Bahagi ang naturang pagsasanay ng patuloy nitong programa upang mapaigting ang kahandaan at kakayahan ng mga BPAT bilang mahalagang katuwang ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng komunidad, alinsunod sa layunin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa isang ligtas, matatag, at maunlad na pamayanan.
Source: PNP 2nd Cagayan PMFC