Basic Incident Command System (BICS) Training, inilunsad ng Tiwi PNP

0
viber_image_2026-07-20_09-39-37-738

Sa patuloy na pagpapaigting ng kahandaan sa pagtugon sa mga insidente at kalamidad, matagumpay na natapos ng mga tauhan ng Tiwi Municipal Police Station (MPS) ang tatlong araw na Basic Incident Command System (BICS) Training na isinagawa mula Hulyo 14 hanggang 16, 2026, sa Gamboa’s Orchard, Malilipot, Albay.

Sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ John Louise Salvador S. Pacres, Chief of Police ng Tiwi MPS, kinilala ang mga kalahok sa matagumpay na pagdalo at pagtatapos ng pagsasanay na naglalayong palakasin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa Incident Command System, emergency response, disaster risk reduction and management (DRRM), at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya sa panahon ng sakuna at iba pang emerhensiya.

Sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, higit pang napahusay ang kahandaan at kakayahan ng mga pulis ng Tiwi MPS sa mabilis, organisado, at epektibong pagtugon sa mga insidente, na mahalaga sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at pagbibigay ng agarang serbisyo sa komunidad.

Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat ang Tiwi MPS sa Lokal na Pamahalaan ng Tiwi at sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Tiwi sa kanilang patuloy na suporta at pakikipagtulungan sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga alagad ng batas sa pamamagitan ng mga makabuluhan at competency-based na pagsasanay.

Bilang bahagi ng patuloy na adhikain ng Philippine National Police na maghatid ng mahusay at maaasahang serbisyo publiko, nananatiling nakatuon ang Tiwi MPS sa paghubog ng mga pulis na may mataas na antas ng propesyonalismo, disiplina, at kahandaan sa pagtugon sa anumang uri ng sakuna at emerhensiya upang mapangalagaan ang buhay, ari-arian, at kapayapaan sa bayan ng Tiwi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *