PNP at iba pang ahesya ng gobyerno, Nagkaisa sa Coastal Clean-Up Drive sa Zamboanga del Sur
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 31st Police Community Relations (PCR) Month na may temang “Sa Bagong Pilipinas, Ugnayang Pulis at Mamamayan: Tapat, Maaasahan, at Nararamdaman ng Bayan,” nagsagawa ng Coastal Clean-Up Activity ang Philippine National Police (PNP) sa baybayin ng Barangay Sto. Niño, Tukuran, Zamboanga del Sur. Layunin ng aktibidad na palakasin ang ugnayan ng pulisya at komunidad habang isinusulong ang pangangalaga sa kalikasan.
Pinangunahan ang aktibidad ng mga tauhan ng Police Community Affairs and Development Unit (PCADU) sa pangunguna ni PMAJ Jaycel R. Cabarrubias, OIC, PCADU, kasama ang 1st ZSPMFC, Pagadian City Police Station, at mga Municipal Police Station sa Unang Distrito ng Zamboanga del Sur. Nakiisa rin ang National Police Commission (NAPOLCOM) Regional Office IX sa pangunguna ni Atty. Pablito M. Abad Jr., Regional Director, na higit pang nagpatibay sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng komunidad.

Sa isinagawang paglilinis, sama-samang nangolekta ng mga basura at naglinis ng dalampasigan ang mga kalahok upang maibalik ang kalinisan at kagandahan ng baybayin. Bukod sa pagpapalaganap ng kamalayan sa pangangalaga sa kalikasan, itinaguyod din ng aktibidad ang diwa ng boluntaryismo, bayanihan, at aktibong pakikilahok ng mamamayan.
Naging matagumpay ang programa sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Tukuran, Zamboanga del Sur at sa pangangasiwa ng Tukuran Municipal Police Station sa pamumuno ni PMAJ Irene D. Hernandez, Acting Chief of Police. Ipinakita ng nasabing inisyatiba ang tunay na diwa ng Police Community Relations kung saan pinagtitibay ang tiwala ng publiko sa pulisya sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos para sa isang mas malinis, ligtas, at mas napapanatiling pamayanan.