Rotaract Club, PNP at iba’ t ibang sektor, nagkaisa sa Coastal Clean-up Drive sa Boracay
Nagkaisa ang Rotaract Club of Boracay Island, katuwang ang Rotary Club of Boracay Island, Interact Club, visiting Rotarians, at mga tauhan ng Malay Municipal Police Station, sa isinagawang Coastal Clean-Up Drive bilang bahagi ng sama-samang pagkilos para sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalinisan ng baybayin ng Boracay noong ika-20 ng Setyembre 2026.
Iinagawa ang aktibidad mula Angol Beach hanggang sa beachfront ng Epic Boracay, kung saan sama-samang kumilos ang mga boluntaryo sa pagtanggal ng mga basura at iba pang kalat sa baybayin. Layunin ng programa na mapanatili ang kalinisan ng nasabing mga coastal areas, maprotektahan ang yamang-dagat, at mapalakas ang kamalayan ng komunidad hinggil sa responsibilidad ng bawat isa sa pangangalaga ng kapaligiran.
Binigyang diin din ng Rotary Club ang kahalagahan ng community service, environmental stewardship, at volunteerism bilang bahagi ng kanilang layunin na makapaghatid ng makabuluhang serbisyo sa komunidad. Higit sa simpleng paglilinis, nagsilbi ang aktibidad bilang pagkakataon upang mahikayat ang publiko na maging aktibong katuwang sa pagpapanatili ng isang malinis, ligtas, at sustainable na Boracay island.
Mahalaga rin ang naging pakikiisa ng Malay Municipal Police Station at iba pang sektor ng pamahalaan at komunidad, na nagpapakita na ang pangangalaga sa kapaligiran ay isang responsibilidad na higit na nagiging epektibo sa pamamagitan ng koordinasyon, pagtutulungan, at pagkakaisa. Sa ganitong mga inisyatiba, naipapakita ang mahalagang papel ng PNP bilang katuwang ng mga organisasyon, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders sa pagpapanatili ng kaayusan at kapakanan ng komunidad.
Nagpasalamat naman ang mga organizers sa lahat ng participating clubs, organizations, visiting Rotarians, partners, volunteers, at Nature’s Spring, bilang hydration partner ng aktibidad, sa kanilang oras, suporta, at malasakit. Ang sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor ay patunay na sa pagkakaisa at bayanihan, mas napapalakas ang mga programang naglalayong protektahan ang kalikasan para sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon.