Rodeo cops at DICT, nagkaisa para palakasin ang cybersecurity awareness sa Masbate
Nagkaisa ang Masbate 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), sa pamamagitan ng Revitalized–Pulis sa Barangay (R-PSB) Team Jamorawon, at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Masbate sa pagsasagawa ng Cybersecurity Awareness Activity sa Barangay Hall ng Barangay Tagbon, Milagros, Masbate noong Oktubre 22, 2026. Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa ligtas na paggamit ng internet at palakasin ang kanilang kakayahang makaiwas sa iba’t ibang uri ng cybercrime.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan ng Barangay Local Government Unit (BLGU), sa pangunguna ni Hon. Edna B. Azares, kasama ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), Lupon, Barangay Health Workers (BHWs), at iba pang kawani ng barangay. Tinalakay sa programa ang mga panganib sa internet, mga mapanlinlang na online na gawain, at mahahalagang hakbang upang maprotektahan ang personal na impormasyon laban sa pagnanakaw, pang-aabuso, at iba pang banta sa cyberspace. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at responsable sa paggamit ng makabagong teknolohiya.
Bahagi ang naturang inisyatiba ng pagsusulong ng Community Support sa ilalim ng PNP Focused Agenda at kaakibat ng Project Alagang KA-SU-ROG, na naglalayong palakasin ang ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng edukasyon, pag-iwas sa krimen, at sama-samang pagkilos. Sa pakikipagtulungan sa DICT at pamahalaang lokal, patuloy na hinihikayat ng kapulisan ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kaligtasan, hindi lamang sa kanilang pisikal na kapaligiran kundi maging sa digital na mundo.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO 5), patuloy na isinusulong ang mga programang nagbibigay-kaalaman at proteksiyon sa mamamayan laban sa iba’t ibang uri ng krimen. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kapulisan, mga katuwang na ahensiya, pamahalaang lokal, at komunidad, pinatitibay ang isang ligtas at responsableng digital na pamayanan. Sa makabagong panahon, ang cybersecurity ay hindi lamang usapin ng teknolohiya, kundi isang sama-samang pananagutan na nagsisimula sa pagiging mulat, mapanuri, at maingat sa bawat kilos sa internet.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1HNuNjk4TE/
Sa panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos