Mga awtoridad, nagsagawa ng information drive tungkol sa pangangalaga sa kalikasan sa Panganiban, Catanduanes
Pinaigting ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)–Catanduanes, katuwang ang Panganiban Municipal Police Station (MPS), ang pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Information, Education, and Communication (IEC) activity para sa mga residente ng Barangay Cabuyoan, Panganiban, Catanduanes, noong Nobyembre 4, 2026, dakong alas 1:00 ng hapon.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman at kamalayan ng publiko tungkol sa mga batas at regulasyong naglalayong protektahan ang kapaligiran at likas na yaman ng bansa.
Pinangunahan ni Atty. Justine Lyn Borbe, Legal Researcher mula sa Office of the Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO)–Catanduanes, ang talakayan hinggil sa mga umiiral na batas, alituntunin, at patakaran ng DENR. Binigyang-diin niya ang mga ipinagbabawal na gawain na maaaring magdulot ng pagkasira ng kalikasan at pagkaubos ng likas na yaman, gayundin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga batas pangkalikasan upang mapanatili ang maayos at ligtas na kapaligiran.
Nagbahagi rin ng mahahalagang paalala si PEMS Rosie Jean V. Lilang, Deputy Chief of Police/Municipal Environmental and Safety Protection Officer (DCOP/MESPO) ng Panganiban MPS, hinggil sa responsibilidad ng bawat mamamayan sa pangangalaga ng kapaligiran. Hinikayat niya ang mga residente na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng kanilang komunidad, maging mapagmatyag sa mga gawaing nakapipinsala sa kalikasan, at agad na iulat sa kinauukulang awtoridad ang anumang paglabag sa mga batas pangkalikasan.
Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, higit na pinagtitibay ang pagtutulungan ng DENR, kapulisan, at komunidad sa pagsusulong ng responsableng pangangalaga sa kapaligiran. Patuloy namang hinihikayat ng Panganiban PNP ang publiko na maging aktibong katuwang sa pagprotekta at pagpapanatili ng ating likas na yaman, sapagkat ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan kundi pananagutan ng bawat mamamayan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.