Mga mag-aaral ng Malbato Elementary School, nakibahagi sa isinagawang Information Campaign ng kapulisan sa Coron
Masigasig na nakibahagi ang mga mag-aaral ng Malbato Elementary School sa inilunsad na Information Awareness Campaign ng mga kapulisan ng 4th Platoon, 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company kamakailan lamang sa bayan ng Coron, Palawan.
Bahagi ang aktibidad sa patuloy na pagsusulong ng mga awtoridad sa pagpapanatili ng ligtas at mapayapang kapaligiran para sa kabataan lalo na sa paglaban sa karahasan sa pamamagitan ng pagbibigay-kaalaman sa nasabing mga mag-aaral.
Sa isinagawang information awareness campaign, tinalakay ang iba’t ibang uri ng karahasan na maaaring maranasan ng mga bata, kabilang ang pisikal, emosyonal, at berbal na pang-aabuso, bullying, at iba pang uri ng pananakot at diskriminasyon. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng paggalang sa kapwa, pagkilala sa sariling karapatan, at pagpapanatili ng mabuting pakikitungo sa mga kaklase at iba pang miyembro ng komunidad.
Hinimok ng mga awtoridad ang mga mag-aaral na huwag matakot na magsumbong sa kanilang mga magulang, guro, o kinauukulang awtoridad kung sila ay nakararanas o nakasasaksi ng anumang uri ng pang-aabuso o karahasan. Ipinaalala rin na mahalagang makinig, umunawa, at tumulong sa mga batang nangangailangan ng suporta at proteksiyon.