Mahigit 500 residente ng La Union, nakinabang sa Medical at Dental Mission ng CSG
Maagang dumagsa ang mga residente ng Barangay New Poblacion ngayong Sabado, Hulyo 12, 2025 upang makiisa sa ikalawang araw ng medical, dental at optical mission ng Confederate Sentinels of God, Inc. (CSG). Isinagawa ang aktibidad sa covered court ng barangay mula 7:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon.
Nagsimula ang programa noong Hulyo 11 sa Tubao, La Union, at magtatapos sa Bagulin, La Union sa darating na Hulyo 13. Ang tatlong araw na outreach ay bahagi ng adbokasiya ng CSG na maghatid ng serbisyong medikal sa mga komunidad na kulang sa atensyong pangkalusugan.
Tinayang higit sa 500 katao ang tumanggap ng libreng konsulta, gamutan at serbisyong optical sa ikalawang araw ng aktibidad. Ang proyekto ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan nina Congressman Dante S. Garcia ng 2nd District ng La Union, Hon. Kenneth Paolo C. Tereng ng KM-Ngayon, at pinamunuan ni CSG Director General FDR Alvin DJ Constantino.

Nagbigay ng police assistance ang mga tauhan ng RPCADU 1 sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Francisco B. Cacas Jr., Officer-in-Charge, katuwang ang lokal na PNP ng Burgos at iba pang unit ng kapulisan sa buong La Union. Tiniyak nila ang kaayusan, kaligtasan, at maayos na daloy ng buong programa. Namahagi rin ang mga pulis ng flyers ukol sa crime prevention tips, ELCAC programs at PNP hotlines para palakasin ang kaalaman ng mga residente sa ligtas at responsableng pamayanan.

Bukod sa mga serbisyong medikal, nag-iwan din ng mensahe ang programa tungkol sa malasakit at pagbabago. Isa itong konkretong halimbawa ng pagkakaisa sa layuning maisulong ang kagalingan ng mamamayan sa ilalim ng Bagong Pilipinas, isang bansa na ang serbisyo ay hindi lamang para sa ilan kundi para sa lahat.
Source: RPCADU1