Bayanihan, ipinamalas sa gitna ng kalamidad
Ipinamalas ang bayanihan ng mga miyembro ng Barangay Local Government Unit, mga community volunteers at kapulisan sa isinagawang road clearing operations sa Barangay Barretto, Olongapo City nito lamang Miyerkules, ika-24 ng Hulyo 2025.
Pinangunahan ang operasyon ni Police Major George Francis B. Molina, Acting Station Commander ng Olongapo CPS, katuwang ang Barangay LGU.
Layunin ng operasyon na alisin ang mga bumagsak na puno at debris na nagdulot ng pagbabara sa mga pangunahing kalsada dulot ng malakas na ulan at hanging dala ng Habagat at Bagyong Emong.
Sa kabila ng mahinang pag-ulan at pansamantalang pagkawala ng kuryente, matagumpay na naibalik ang daanan ng mga sasakyan at emergency responders, partikular sa mga apektadong lugar sa Area of Responsibility ng istasyon.
Ang isinagawang clearing operation ay patunay ng pagpapatupad ng direktiba ni PNP Chief PGEN Nicolas Torre III na naglalayong palakasin ang pagtutulungan ng mga ahensyang pangkagipitan at lokal na pamahalaan para sa mas mabilis at episyenteng pagtugon sa mga sitwasyong dulot ng kalamidad.
Isa rin itong halimbawa ng bayanihan at kolektibong aksyon sa pagitan ng kapulisan, LGU, at mamamayan upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at kalinisan ng lansangan sa gitna ng sakuna.



