Community outreach activity, isinagawa sa Balud, Masbate
Isang makabuluhang community outreach activity ang isinagawa ng Balud Municipal Police Station (Balud MPS) noong Agosto 8, 2026 sa Barangay Panguiranan, Balud, Masbate, sa pangunguna ni PCPT Eris John L. Salomon, Officer-in-Charge, katuwang ang mga opisyal ng barangay sa pamumuno ni Hon. Judy A. Nepomuceno, Punong Barangay.
Nakiisa sa aktibidad ang Masbate 1st PMFC Company Advisory Group, sa pangunguna ni Ms. Kitty C. Guban, kasama si Ms. Taya Espenilla ng Unica Hija Hotel and Resort, at ang Masbate 1st Provincial Mobile Force Company sa pamumuno ni PLTCOL Michael P. Lorilla, Force Commander.
Layunin ng programa na mailapit sa mga residente ang mga serbisyong makatao at makatulong sa mga pamilyang nangangailangan.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang “Libreng Gupit ni Abtik,” pamamahagi ng tsinelas para sa mga bata, feeding activity, at pamamahagi ng mga gamit nang damit na maayos at maaari pang gamitin, gayundin ng iba pang kapaki-pakinabang na kagamitan.
Sa pamamagitan ng mga simpleng serbisyong ito, nabigyan ng tulong ang mga residente at naipakita ang malasakit ng kapulisan at mga katuwang nitong stakeholders.
Ipinakita ng outreach activity ang diwa ng malasakit, bayanihan at pakikipagkapwa, habang pinatatatag ang ugnayan ng kapulisan at komunidad. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng kapulisan, mga katuwang na organisasyon, barangay officials at mga residente, muling pinatunayan na ang serbisyo publiko ay hindi lamang tungkol sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kundi maging sa pag-abot ng tulong at paglilingkod nang may puso.