Mahigit 300 guro sa Tuguegarao, pinalakas ang kahandaan sa pagtugon sa mga insidente sa paaralan
Mahigit 300 guro ng North District sa lungsod ng Tuguegarao ang sumailalim sa pagsasanay na nakatuon sa wastong pagtugon sa mga insidente ng krimen at iba pang emergency sa loob ng paaralan noong Setyembre 11, 2026 sa Cagayan National High School, sa suporta ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO).
Bilang bahagi ng in-service training na may temang “IMPACTing Teacher Excellence, Strengthening Inclusive Practice and Transforming Learner Outcomes,” nagbigay ng lecture si PCpt Shiela Joy N. Fronda, Chief, PIO, tungkol sa “Teachers’ Roles in Responding to Crime Scene Incidents in Schools.” Layunin nitong dagdagan ang kaalaman at kahandaan ng mga guro sa pagharap sa mga insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga mag-aaral at school personnel.

Bahagi rin ang aktibidad ng mga hakbang kaugnay ng Oplan B.E.S. (Balik Eskwela) ng PNP, na naglalayong mapanatili ang ligtas, maayos, at mapayapang kapaligiran sa mga paaralan sa pamamagitan ng police visibility, crime prevention, security awareness, at patuloy na koordinasyon sa school authorities at iba pang stakeholders.
Binigyang-diin sa pagsasanay ang kahalagahan ng maagap, maingat, at mahinahong pagtugon ng mga guro bilang maaaring unang makatugon sa isang insidente, habang inuuna ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, pinoprotektahan ang posibleng ebidensya, at agad na nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa maayos na pagresponde at imbestigasyon.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1FEsTafUiC/?mibextid=wwXIfr