KKDAT Provincial Officers, nagsagawa ng Peace Symposium sa Bayan ng Sto. Niño at Piat Cagayan
Muling umarangkada ang mga Provincial Officers ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) sa pagsasagawa ng Peace Symposium katuwang ang Cagayan PPO sa bayan ng Sto. Niño at Piat Cagayan nitong Pebrero 3, 2024.
Hindi pinalampas ng mga opisyales ng KKDAT ang araw ng Sabado upang maghatid ng mga mahahalagang impormasyon at maibahagi ang kanilang kaalaman sa mga kabataan upang maiwaksi sila sa masasamang gawain.
Ipinaliwanag sa symposium ang masamang epekto sa kalusugan ng paggamit ng ilegal na droga at paglayo sa mapanlinglang na rekrutment ng terorismo.
Pinangunahan ng miyembro ng Philippine Army ang pagbibigay kaalaman kung paano ang pagre-rekrut ng CPP-NPA-NDF lalo na ang pangunahing target ay kinabibilangan ng mga kabataan na siyang madali nilang mauto at malinlang ng maling ideolohiya.
Ayon sa mensahe ni Police Major Stanly Banan, Hepe ng Police Community Affairs and Development Office, Cagayan PPO, kanyang ipinahayag na “bilang mga kabataan, sila ang may mahalagang papel na dapat gampanan lalo na sa pagtugon sa napapanahong issue ang pagsugpo ng insurhensiya. Mayroon silang kakayanan at kapangyarihan na lumikha ng pagbabago.
Kung kaya’t sa halip na makakaliwang grupo ang humikayat sa kanila ay nandito ang kapulisan ang kasundaluhan para sila ay anyayahan na suportahan ang mga ganitong programa at matulungan sila na maging isang huwarang mamamayan sa komyunidad”.
Patuloy ang KKDAT at Advocacy Support Groups sa pakiisa sa Pambansang Pulisya upang mapaigting ang kampanya kontra ilegal na droga at terorismo sa bansa.
Source: CAGAYAN PPO