Mag-aaral ng SCNHS, bida sa sabayang paglulunsad ng 911 Emergency Hotline
Nakiisa ang mga estudyante at guro ng Sta. Catalina National High School (SCNHS) sa Candelaria, Quezon sa sabayang paglulunsad ng Emergency Hotline 911 na ginanap nitong Biyernes, Hulyo 11, 2025.
Pinangunahan ng Candelaria Municipal Police Station sa pamumuno ni PLtCol Reynaldo P. Reyes, Officer-in-Charge, at ni G. Buenaventura D. Luces, Principal IV ng SCNHS, ang “Ceremonial Launching and Distribution of Emergency Hotline 911 Stickers and Informational Materials” bilang suporta sa pambansang kampanya ng Philippine National Police na naglalayong mapabilis ang pagtugon sa mga emergency sa loob ng limang minuto.

Tampok sa aktibidad ang aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral ng SCNHS na nanguna sa pamamahagi ng mga 911 stickers at iba pang impormasyon ukol sa tamang paggamit ng nasabing hotline. Kasama rin sa programa ang pagpapaskil ng mga sticker sa mga lugar na madaling makita ng mga estudyante upang palaganapin ang kamalayan sa serbisyo ng 911.

Pinuri ni PLtCol Reyes ang sigasig ng mga kabataan at guro sa pagsuporta sa programa, aniya: “Napakahalaga ng papel ng mga kabataan sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa kanilang pamilya at komunidad. Sa ganitong paraan, sama-sama tayong makakamit ang mas ligtas na bayan”.
Ang aktibidad ay patunay ng matibay na ugnayan ng kapulisan at sektor ng edukasyon sa pagtataguyod ng isang alerto, ligtas, at may kaalamang komunidad.
Source: Candelaria MPS