Livelihood Training para sa mga kababaihan, isinagawa sa Albay
Matagumpay na naisagawa ang isang Rug Making Livelihood Training noong Hulyo 26, 2025 sa Barangay Mariroc, Tabaco City na pinangunahan ni PCpl Joven C. Boneo ng 505th Regional Mobile Force Battalion 5 na may temang “Gamit ang Kamay, May Hanapbuhay.”
Ang pagsasanay ay nilahukan ng mga kababaihan mula sa komunidad na nagnanais magkaroon ng dagdag na kita sa pamamagitan ng home-based na negosyo.
Layunin ng aktibidad na suportahan ang mga nasa mahihinang sektor ng lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad para sa pangmatagalang kabuhayan at mas matatag na kinabukasan. Bilang suporta sa mga kalahok, ang lahat ng kagamitan ay ipinagkaloob nang libre, kasama ang meryendang handog upang tiyakin ang komportableng paglahok ng bawat isa.
“Ang proyektong ito ay bahagi ng aming malasakit sa komunidad. Sa pagtuturo ng mga kasanayang mapagkakakitaan, tinutulungan nating magkaroon ng panibagong pag-asa ang kababaihan para sa kanilang mga pamilya,” pahayag ni PCpl Boneo.
Source: PNP Kasurog Bicol