Agoo Volunteers, LGUs at iba’t ibang ahensya ng gobyerno, nagsagawa ng International Coastal Clean-up 2025
Ipinamalas ng mga mamamayan ng Agoo ang tunay na diwa ng pagkakaisa at malasakit sa kalikasan sa isinagawang International Coastal Clean-Up 2025. Pinangunahan ng nga Volunteers, Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Frank O. Sibuma, katuwang ang 49 na barangay at iba’t ibang ahensya kabilang ang mga kapulisan, matagumpay na naisakatuparan ang paglilinis sa mga baybayin ng Agoo.

Hindi matatawaran ang sipag at dedikasyon ng mga boluntaryo—mula sa mga opisyal at empleyado ng LGU, barangay workers, kabataan, guro, at iba pang sektor ng lipunan. Bitbit ang simpleng kagamitan at pusong handang maglingkod, buong sigla nilang pinulot at tinipon ang samu’t saring basura mula sa maliliit na piraso tulad ng candy wrappers, upos ng sigarilyo, at takip ng bote, hanggang sa mas malalaking kalat gaya ng plastic bags, bote, damit, laruan, at mga sirang gamit sa bahay.
Bunga ng kanilang sama-samang pagkilos, muling nasilayan ang mas malinis at mas preskong dalampasigan—isang patunay na kapag nagtutulungan, posible ang positibong pagbabago.

Kaagapay ng pandaigdigang tema ngayong taon na “Clean Seas Against the Climate Crisis”, layunin ng aktibidad na ipaalala ang mahalagang ugnayan ng malinis na karagatan at matibay na kakayahan ng mga pamayanan na harapin ang krisis sa klima. Higit pa rito, ito rin ay panawagan na ipagpatuloy ang pangangalaga sa ating yamang-dagat para sa susunod na henerasyon.
Sa bawat piraso ng basurang kanilang pinulot ay nakaukit ang mensahe: ang kalikasan ay buhay, at tungkulin ng bawat isa na ito’y alagaan. Ang mga boluntaryo ng Agoo ay tunay na mga bayani ng kalikasan—nagbubukas ng pag-asa tungo sa isang mas ligtas, mas luntian, at mas masaganang kinabukasan para sa lahat ng Kailian.
Source: Agoo, Municipality