Balay Silangan Reformation Center, inilunsad sa Pangasinan; Pinalalakas ang community-based drug rehabilitation

0
viber_image_2026-03-16_16-10-47-531

Isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng community-based drug rehabilitation ang isinagawa sa Sto. Tomas, Pangasinan matapos pormal na pasinayaan ang Balay Silangan Reformation Center noong Marso 13, 2026 sa Barangay San Antonio.

Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa pangunguna ni PCol Arbel C. Mercullo, Provincial Director, na nagpakita ng patuloy na suporta ng kapulisan sa mga programang nakatuon sa rehabilitasyon at pagbabago ng mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.

Pinangunahan naman ni Municipal Mayor Engr. Dickerson D. Villar, ang inagurasyon kasama si Vice Mayor Timoteo S. Villar III, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na sektor. Ipinakita ng kanilang presensya ang matibay na pagtutulungan ng mga institusyon upang matugunan ang problema ng iligal na droga sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa reporma at reintegrasyon sa komunidad.

Layunin ng Balay Silangan na magsilbing sentro ng interbensyon para sa mga drug reformists kung saan bibigyan sila ng mga programang tulad ng values formation, spiritual enrichment, counseling, at life skills development. Sa pamamagitan ng ganitong mga hakbang, inaasahang matutulungan ang mga kalahok na magkaroon ng positibong pagbabago at makabalik sa lipunan bilang responsableng mamamayan.

Kabilang sa mahahalagang bahagi ng programa ang paglagda sa Balay Silangan Memorandum of Understanding at Manifesto of Commitment ng mga ahensya ng pamahalaan at lokal na lider. Ang kasunduang ito ay sumisimbolo sa kolektibong pangako ng iba’t ibang sektor na palakasin ang mga programang rehabilitasyon at suportahan ang mga indibidwal na nagsusumikap na baguhin ang kanilang buhay.

Isinagawa rin ang ribbon-cutting at pagbabasbas sa pasilidad na pinangunahan ni Ptr. Roger Lolarga ng Jesus Christ the Light of Life Church, na pormal na nagbukas sa sentro bilang lugar para sa counseling, intervention programs, at community-based rehabilitation initiatives. Sa tulong ng mga partner agency tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency, Department of the Interior and Local Government, at iba pang sektor, inaasahang magiging mahalagang bahagi ang pasilidad sa paglutas ng problema sa droga sa komunidad.

Patuloy na susuportahan ng pambansang pulisya ang mga programang nagtataguyod hindi lamang ng epektibong pagpapatupad ng batas kundi pati ng makataong rehabilitasyon. Ang matagumpay na pagbubukas ng Balay Silangan Reformation Center ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng pamahalaan at komunidad upang makamit ang isang mas mapayapa, matatag, at drug-resilient na Pangasinan.

Source: Pangasinan PPO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *