2nd PMFC at iba’t ibang mga sektor, nagkaisa sa coastal clean-up drive sa Roxas, Palawan
Ipinakita ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang matibay na ugnayan ng kapulisan at komunidad matapos itong makiisa sa isinagawang coastal clean-up drive sa Barangay 1, Roxas noong Marso 20, 2026. Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Philippine National Police (PNP) sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapaigting ng pakikipagtulungan sa mamamayan.
Isinagawa ang clean-up drive sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor kabilang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Pamahalaang Bayan ng Roxas, Palawan, Community Multi-Purpose Cooperative (RPMGEC-MPC), DOLE TUPAD beneficiaries, 7th Marine Company, Philippine Coast Guard (PCG) North Central Palawan, at Bureau of Fire Protection (BFP) Roxas, kasama ang mga Purok Leaders at residente ng barangay.
Sa isinagawang paglilinis, nakalikom ang mga kalahok ng sari-saring basura tulad ng plastik, bote, punit na damit, at mga kahoy na inanod mula sa dagat. Ang ganitong aktibidad ay hindi lamang nakatutulong sa kalinisan ng kapaligiran kundi nagpapalakas din ng kamalayan ng publiko sa wastong pamamahala ng basura.
Binigyang-diin ng 2nd Palawan PMFC na ang pangangalaga sa mga baybaying-dagat ay mahalaga upang maprotektahan ang yamang-dagat at maiwasan ang panganib sa mga marine animals. Dagdag pa rito, nakatutulong ang malinis na kapaligiran sa kaligtasan at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa likas na yaman.
Ang naturang inisyatiba ay bahagi ng patuloy na pagsasabuhay ng PNP Core Value na “Pulis Makakalikasan,” kung saan aktibong nakikilahok ang kapulisan sa mga programang pangkalikasan. Sa pamamagitan ng ganitong mga gawain, mas napapalapit ang pulisya sa komunidad at napapalakas ang tiwala ng publiko.
Patuloy namang hinihikayat ng PNP ang mamamayan na makiisa sa mga gawaing pangkalikasan sapagkat ito ay isang kolektibong responsibilidad na nangangailangan ng aktibong partisipasyon ng bawat isa.
Source: 2nd Palawan PMFC