Mahigpit na pagpapatupad ng Liquor Ban sa Baler, pinalalakas
Patuloy na pinaiigting ng mga tauhan ng Baler Police Station ang pagpapatupad ng Safer Cities Initiative sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabawal sa pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar. Pinangunahan ito ni PCPT Nestor B. Wigan, Deputy Chief of Police (DCOP), sa ilalim ng pamumuno at superbisyon ni PMAJ Donna Fe M. Galban, Chief of Police, katuwang ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs).

Layunin ng nasabing hakbang na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad, maiwasan ang mga kaguluhan, at masiguro ang isang ligtas at maayos na kapaligiran na angkop para sa mga pamilya. Ayon sa pulisya, ang pagbabawal sa pag-inom sa mga pampublikong lugar ay isa sa mga epektibong paraan upang mabawasan ang mga insidente ng gulo at iba pang paglabag sa batas.

Kaugnay nito, nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya at masusing monitoring ang mga awtoridad upang matiyak ang pagsunod ng publiko sa umiiral na mga ordinansa. Patuloy namang hinihikayat ang mamamayan na makiisa at sumunod sa mga alituntunin para sa kapakanan ng buong komunidad.