BPATs at mga katuwang na ahensya, nagkaisa para sa mas ligtas at handang pamayanan
Matagumpay na isinagawa ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) Training para sa mga miyembro ng BPATs mula sa mga barangay ng Balanni, Lipatan, at Mapitac sa Sto. Niño, Cagayan noong Hunyo 23, 2026.
Pinangunahan ng DILG Sto. Niño ang nasabing pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Sto. Niño Municipal Police Station, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) Sto. Niño Fire Station, Municipal Health Office (MHO), 202nd Maneuver Company RMFB2, at Philippine Army 17th Infantry Battalion (17IB).
Dinaluhan din ang aktibidad ng mga Punong Barangay at mga Kagawad na namumuno sa Committee on Peace and Order ng kani-kanilang barangay bilang pagpapakita ng suporta sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga BPATs.
Tampok sa pagsasanay ang mga lecture at praktikal na demonstrasyon tungkol sa public safety, law enforcement, disaster preparedness, fire safety, first aid, at community security.
Aktibong nakibahagi ang mga BPATs sa iba’t ibang skills training na naglalayong mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mga insidente, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagtiyak ng kaligtasan sa kanilang mga nasasakupan.
Ang matagumpay na pagsasagawa ng pagsasanay ay patunay ng matibay na ugnayan at pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga BPATs bilang mga katuwang sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa komunidad. Layunin nitong makapagtaguyod ng isang ligtas, maayos, at matatag na pamayanan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Sto. Niño Public Information Office