PNP at ibang mga ahensya, nagkaisa sa sabayang Arbor Day Tree Planting sa Ilocos Norte
Nakiisa ang Philippine National Police (PNP) sa isinagawang sabayang Arbor Day Tree Planting na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamamagitan ng PENRO Ilocos Norte at CENRO Laoag, noong Hunyo 25, 2026 sa mga bayan ng Piddig at Bacarra, Ilocos Norte, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Arbor Day 2026.
Kabuuang 3,258 punla ang naitanim sa naturang aktibidad. Sa bilang na ito, 658 punla ang itinanim sa Brgy. San Antonio, Piddig, habang 2,600 punla naman ang naitanim sa kahabaan ng Cabulalaan River sa Bacarra bilang bahagi ng rehabilitasyon at pangangalaga sa pampang ng ilog.
Bukod sa PNP, nakiisa rin sa aktibidad ang mga lokal na pamahalaan, Philippine Coast Guard (PCG), iba pang ahensya ng pamahalaan, mga pribadong organisasyon, at mga boluntaryo bilang pagpapakita ng sama-samang suporta sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapanumbalik ng mga kagubatan at watershed.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na maprotektahan ang kapaligiran, mapalakas ang biodiversity, at mabawasan ang epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor. Ang pakikiisa ng PNP sa mga gawaing pangkalikasan ay sumasalamin sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa mga programang nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng komunidad.
Source: PENRO 1
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan