Community Clean-Up Drive, isinagawa sa bayan ng Aurora
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-31 Police Community Relations (PCR) Month na may temang “Sa Bagong Pilipinas, Ugnayang Pulis at Mamamayan: Tapat, Maaasahan, at Nararamdaman ng Bayan,” nagsagawa ng Community Clean-Up Drive ang mga tauhan ng Aurora 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Barangay Calabgan, Casiguran, Aurora.

Pinangunahan ang aktibidad ng Aurora 2nd PMFC sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Jude Bryan B. Maguddayao, Acting Force Commander, katuwang ang mga opisyal ng barangay at mga residente. Sama-sama nilang nilinis ang kahabaan ng kalsada malapit sa Calabgan Elementary School upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran para sa mga mag-aaral at mamamayan.

Layunin ng isinagawang clean-up drive na palakasin ang pangangalaga sa kalikasan, hikayatin ang aktibong pakikilahok ng komunidad, at higit pang pagtibayin ang ugnayan ng Philippine National Police at ng mamamayan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, naipamalas ang diwa ng bolunterismo, malasakit sa kapaligiran, at pagkakaisa tungo sa isang malinis, ligtas, at mas malusog na pamayanan.