Camarines Sur PPO at mga stakeholder, nakiisa sa shoot for a cause para sa mas matatag na serbisyo publiko
Matagumpay na inilunsad ng mga awtoridad kasama ang iba pang mga stakeholders ang 4th CSPPO Advisory Group “Shoot for a Cause” noong Hulyo 19, 2026, ganap na alas-8:00 ng umaga sa MAG22 Firing Range, Sitio Yabu, Barangay Carolina, Naga City.
Dumalo sa aktibidad si PCOL Tyrone Razon Dotimas, Officer-in-Charge ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO).
Pinagsama-sama ng aktibidad ang mga miyembro ng CSPPO Advisory Group, mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), at iba pang stakeholders sa isang friendly marksmanship event na naglalayong palakasin ang samahan, itaguyod ang ligtas at responsableng paggamit ng baril, at higit pang pagtibayin ang ugnayan ng kapulisan at ng komunidad.
Bukod sa pagtataguyod ng disiplina at sportsmanship, nagsilbi rin ang programa bilang isang fundraising activity upang masuportahan ang mga proyektong pangkomunidad at iba pang civic initiatives ng CSPPO Advisory Group.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni PCOL Dotimas ang mga organizer, kalahok, at mga katuwang ng kapulisan sa kanilang patuloy na suporta sa mga programang nagtataguyod ng pagkakaisa at serbisyong publiko.
Ayon kay PCOL Dotimas, ang mga ganitong aktibidad ay mahalagang daan upang higit pang mapatatag ang pakikipagtulungan ng PNP sa iba’t ibang sektor ng lipunan habang isinusulong ang disiplina, pagkakaisa, at sama-samang adhikain na makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa mamamayan.
Patuloy namang isinusulong ng Camarines Sur Police Provincial Office ang makabuluhang pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder bilang suporta sa layunin ng Philippine National Police na makamit ang isang mas ligtas, mas mapayapa, at mas matatag na pamayanan.