Abra PNP, nakiisa sa community outreach para sa crime prevention
Nakiisa ang Abra Police Provincial Office (Abra PPO) sa Joint Community Outreach Activity bilang bahagi ng pagdiriwang ng 32nd National Crime Prevention Week 2026 sa Calot Elementary School, Barangay Calot, Bangued, Abra noong Setyembre 2.

Tampok sa aktibidad ang OPLAN BES “I Am Strong,” na nakatuon sa pagpapalakas ng kamalayan ng mga mag-aaral laban sa bullying, cyberbullying, illegal drugs, at iba pang banta sa kanilang kaligtasan. Tinalakay din ang Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC), gayundin ang mga probisyon ng Republic Act Nos. 7610 at 9262, habang nagbigay ang Anti-Cybercrime Group ng mga paalala hinggil sa online safety at responsableng paggamit ng social media.
Bukod sa information drive, isinagawa rin ang libreng gupit at serbisyong dental, pamamahagi ng hygiene kits, bitamina, tsinelas at school supplies, gayundin ang feeding program para sa 178 mag-aaral mula Day Care hanggang Grade 6.

Katuwang ng Abra PPO sa aktibidad ang Abra PPO-OLCFI Foundation, Philippine Dental Association–Abra Chapter, Philippine Army, PNP SAF, RMFB 15, 1st Abra PMFC, WCPD, PMDT, Bangued MPS, mga opisyal ng barangay at iba pang stakeholders.
Ipinakita ng aktibidad ang patuloy na pagtutulungan ng PNP at mga katuwang na ahensya sa pagsusulong ng crime prevention, proteksyon sa kabataan, at kapakanan ng komunidad alinsunod sa adhikain ng PNP para sa isang mas ligtas at maayos na Bagong Pilipinas.