Pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagbisita at koordinasyon, isinagawa ng Bulan PNP
Ang Bulan Municipal Police Station (MPS), sa pamumuno ni PLTCOL Barry Gibb T. Zorilla, Chief of Police, ay patuloy na pinapalakas ang pakikipagtulungan sa mga paaralan sa pamamagitan ng regular na pagbisita at pakikipag-ugnayan sa mga school administrator sa mga paaralan sa Bulan, Sorsogon.
Layunin ng inisyatibang ito na matukoy at matugunan ang mga usapin sa seguridad, mapalakas ang kahandaan, at higit pang mapagtibay ang koordinasyon upang maprotektahan ang mga mag-aaral, guro, at school personnel laban sa mga posibleng banta.
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap upang matiyak ang isang ligtas na learning environment, pinaigting din ng Bulan MPS ang cyber patrolling at online vigilance laban sa mga posibleng banta na maaaring tumarget sa mga paaralan.
Sinusubaybayan ng mga personnel ang mga publicly accessible online platform upang matukoy ang mga kahina-hinalang aktibidad, mapanganib o nagbabantang content, at iba pang impormasyon na maaaring mangailangan ng kaukulang aksyon at koordinasyon ng kapulisan.
Sa pamamagitan ng aktibong presensya ng pulisya, mas pinaigting na koordinasyon sa mga paaralan, at responsableng cyber vigilance, nananatiling nakatuon ang Bulan MPS sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad ng mga paaralan at sa pagprotekta sa buong school community.