Mountain Province PPO at mga ahensya ng pamahalaan, nakiisa sa advocacy walk kontra karahasan sa mga kababaihan
Nakiisa ang Mountain Province Police Provincial Office (MPPPO), mga pambansang ahensya ng pamahalaan, mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, at mga tagapagtaguyod ng Violence Against Women and Children (VAWC) sa isinagawang advocacy walk noong Nobyembre 25, 2026, upang palawakin ang kamalayan ng publiko laban sa karahasan sa kababaihan at isulong ang paggalang at pagkakapantay-pantay ng kasarian.

Bahagi ang aktibidad ng 2026 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW), na naglalayong hikayatin ang mga komunidad na manindigan laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso sa kababaihan at kabataang babae, gayundin na agad iulat ang mga insidente ng karahasan upang mabigyan ng kaukulang aksyon at proteksyon ang mga biktima.
Nagpahayag din ng suporta sina Atty. Guwaye F. Moling, na kinatawan ni Provincial Administrator John B. Likigan, at PLtCol Apdilon C. Galong, na kinatawan naman ni MPPPO Provincial Director PCol Marcelo B. Polig. Binigyang-diin ng kanilang pakikiisa ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan at komunidad sa pagsusulong ng ligtas, pantay, at mapagkalingang lipunan para sa kababaihan.
Source: PIA Mountain Province (https://www.facebook.com/share/p/1F5RSWzKpc/)