School Safety Drill sa Basagan Elementary School, pinangunahan ng Tabaco City Police
Nagsagawa ng School Safety Drill ang mga tauhan ng Tabaco City Police Station sa Basagan Elementary School noong Nobyembre 26, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral at kawani ng mga paaralan sa lungsod.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipag-ugnayan sa Schools Division Office ng Tabaco City sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL VIRGIL B. BIBAT, Chief of Police.
Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman ng mga guro, mag-aaral at iba pang mga kawani hinggil sa kahalagahan ng kaligtasan sa paaralan, kahandaan sa panahon ng emerhensiya at tamang hakbang na dapat gawin kapag may banta o hindi inaasahang pangyayari.

Sa pamamagitan ng aktibidad, higit pang pinagtitibay ng kapulisan ang pakikipagtulungan nito sa sektor ng edukasyon upang malinang ang kultura ng pagiging alerto, maingat at handa sa anumang sitwasyong maaaring maglagay sa panganib sa komunidad ng paaralan.
Tiniyak naman ng Tabaco City Police Station na magpapatuloy ang mga hakbang at programang naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral at suportahan ang pagtiyak ng isang ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral, kung saan malaya silang makapagtutuon ng pansin sa kanilang edukasyon nang walang pangamba sa kanilang kaligtasan.