Search and Rescue Operation, tulong-tulong na isinakatuparan sa Laua-an, Antique
Bilang tugon sa epekto ng Severe Tropical Storm “Opong”, nito lamang ika-26 ng Setyembre 2025, nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng 2nd Antique Provincial Mobile Force Company (2nd APMFC), 2nd Platoon sa pamumuno ni PSSg Rex Marion A Magluyan at sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol John Paul M Guay, Force Commander.
Katuwang nila sa operasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) Laua-an at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Laua-an na ginanap sa Sitio Manguibo, Barangay Guisijan, Laua-an, Antique.

Layunin ng operasyon na mailigtas at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na direktang naapektuhan ng matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng bagyo.
Sa pamamagitan ng mabilis na pagtugon, nakapagbigay ng agarang ayuda at kaligtasan ang pinagsanib na pwersa ng tatlong ahensya sa mga mamamayan na nangangailangan ng tulong.
Malaki ang papel na ginampanan ng bawat tanggapan sa naturang operasyon, ang PNP ay nagsilbing pangunahing katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad habang isinasagawa ang paglikas, ang Philippine Coast Guard naman ay nanguna sa operasyon sa katubigan gamit ang kanilang kaalaman at kagamitan upang maabot ang mga lugar na binaha, at ang MDRRMO Laua-an ang nagsilbing tulay sa koordinasyon at nagbigay ng kinakailangang suporta para sa mabilis na pagresponde sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya.

Ipinapakita ng tagumpay ng operasyon ang kahalagahan ng solidong kooperasyon at pagbibigayan ng bawat ahensya.
Ang kanilang pagkakaisa ay nagsilbing patunay na sa panahon ng kalamidad, higit na nagiging epektibo at mabilis ang pagtugon kung sama-samang kikilos para sa iisang layunin—ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan.
Sa pamamagitan ng kanilang malasakit at dedikasyon, naipadama ng mga tagapagligtas na hindi nag-iisa ang mamamayan ng Antique sa harap ng unos. Ang kanilang sama-samang pagkilos ay nagsilbing inspirasyon at ehemplo ng tunay na bayanihan at serbisyo publiko.
Source: 2nd Antique Provincial Mobile Force Company