Coastal Clean-up, muling isinagawa sa Kalibo, Aklan
Sa makabuluhang coastal clean-up drive na inorganisa ng TODO Bulig Foundation sa tabing-dagat ng Brgy. Mabilo, Kalibo, Aklan, nito lamang ika-25 ng Oktubre 2025, muling nasaksihan ang tunay na diwa ng bayanihan.
Kabilang sa mga nagbigay-lakas sa gawain ang Barangay Council ng Mabilo na nagsilbing pangunahing katuwang sa mobilisasyon ng komunidad, Kalibo Municipal Police Station at FTP’s ng Kalibo PNP na nagpanatili ng kaayusan at aktibong nakibahagi sa mismong paglilinis, Bureau of Fire Protection (BFP) Kalibo na tumulong sa koordinasyon at pagtiyak ng kaligtasan, at ang Philippine Coast Guard (PCG) Aklan na nagserbisyo bilang tagapagbantay ng karagatan.
Hindi rin nagpahuli ang Bureau of Jail Management and Penology – Aklan District Jail (Male and Female Dorm), na pinayagan ang ilang PDLs na maghandog ng kontribusyon para sa kapaligiran.
Dagdag pa rito, nakiisa rin ang 82nd Infantry “Bantay Laya” Battalion ng 3ID Philippine Army at ang NVC-ROTC Unit na nagpakita ng disiplina at dedikasyon bilang mga kabataang lider at tagapangalaga ng kalikasan.

Ang presensya ng iba pang mga volunteers mula sa komunidad ay lalo pang nagpatibay sa damdamin ng pagkakaisa.
Layunin ng aktibidad na ito na linisin at protektahan ang baybayin upang maiwasan ang polusyon na nakakasama sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan.
Higit sa lahat, hangarin nitong maging inspirasyon ang aktibidad para sa patuloy na pakikilahok ng publiko sa mga makakalikasang gawain.
Sa pagkakaisang ito, napatunayan na kapag sama-samang kumikilos para sa kalikasan, tunay na posible ang mas malinis, mas ligtas, at mas maunlad na komunidad para sa susunod na henerasyon.
Source: Radyo Todo Aklan 88.5 FM