Laoag CPS, katuwang ng KKDAT Laoag at ibang stakeholders sa coastal cleanup at tree planting activity sa Gabu Sur
Pinangunahan ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) Laoag Chapter, katuwang ang Laoag City Police Station, ang isinagawang coastal cleanup at tree planting activity sa Barangay Gabu Sur, Laoag City noong Abril 23, 2026.
Sa pamumuno ni Julius Hapa, nakiisa rin ang mga opisyal ng barangay, mga community volunteer, at mga tagasuporta ng environmental protection sa nasabing aktibidad. Layunin nito na mapanatili ang kalinisan ng baybayin at mapalakas ang kamalayan ng komunidad sa pangangalaga ng kalikasan.
Nagtulungan ang mga kalahok sa paglilinis ng dalampasigan kung saan nakalikom sila ng iba’t ibang uri ng basura. Kasabay nito, nagsagawa rin ng tree planting activity bilang bahagi ng patuloy na reforestation efforts sa lugar.

Ayon kay Hapa, ang ganitong mga inisyatibo ay hindi lamang nakatutulong sa kalikasan kundi nagsisilbi ring paraan upang mahikayat ang kabataan na aktibong makilahok sa mga adbokasiyang makabuluhan para sa komunidad. Aniya, ang maliliit na hakbang ay mahalaga upang makamit ang mas ligtas at malinis na kapaligiran.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga opisyal ng Barangay Gabu Sur sa KKDAT Laoag Chapter, Laoag City Police Station, at sa lahat ng nakiisa sa aktibidad. Umaasa sila na magpapatuloy ang ganitong mga programa para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon at para sa pangangalaga ng kalikasan.
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: KKDAT Laoag Chapter