Kabataan sa Gattaran, pinalakas ang kamalayan kontra droga at terorismo sa Summer Youth Camp
Pinagtibay ng kapulisan at komunidad ang kanilang pagtutulungan sa matagumpay na pagsasagawa ng Summer Youth Camp sa Brgy. Mabuno, Gattaran noong Mayo 4, 2026.
Ang aktibidad ay inorganisa ng Anchor Holds Christian Fellowship sa pangunguna ni Ptr. Eliseo Barbosa, katuwang ang mga tauhan ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company, bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na droga at terorismo. Pinangunahan ni PLt Charlie Cagayan, Platoon Leader, ang lecture para sa mga kabataan kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tamang paggabay at aktibong pakikipag-ugnayan ng pulisya sa komunidad.
Tinalakay naman ni PCpl Wilmer Corpuz ang masasamang epekto ng ilegal na droga at terorismo sa pamilya at lipunan, habang hinihikayat ang mga kabataan na maging mapanuri at responsable laban sa maling impluwensya.
Nagbigay rin ng makabuluhang testimonya si “Ka Lawin,” isang dating nalinlang ng teroristang grupo na nagbalik-loob sa pamahalaan noong 2022.
Ibinahagi niya ang kanyang karanasan at kung paano siya nabigyan ng panibagong pagkakataon upang maituwid ang kanyang buhay.
Naging inspirasyon ito sa humigit-kumulang 200 kabataang dumalo sa youth camp upang umiwas sa karahasan at ekstremismo.
Ayon sa kapulisan, bahagi ang aktibidad ng Programang “Hepe sa Komunidad” at Project ALERT na nakatuon sa information drive at community engagement.
Sa pamamagitan ng matibay na ugnayan ng pulisya, simbahan, at kabataan, patuloy na isinusulong ang paghubog ng isang ligtas, disiplinado, at responsableng henerasyon sa komunidad.
Source: 2nd Cagayan PMFC