Mga KKDAT Members sa Isabela, nakilahok sa lecture kontra fake news sa KKDAT Summit 2026
Aktibong nakilahok ang mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) sa isinagawang lecture kontra Fake News na ginanap sa Ilagan City Hotel, Alibagu, City of Ilagan, Isabela noong Mayo 27, 2026.
Tinalakay ni PCpt Scarlette M Topinio, Chief PIO ng Isabela Police Provincial Office, ang paksang “Labanan ang Fake News.” Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng katotohanan at responsibilidad sa digital age, lalo na sa mga kabataang aktibong gumagamit ng social media at iba’t ibang online platforms.

Layunin ng talakayan na mapalakas ang kamalayan at partisipasyon ng mga kabataan sa pagsusulong ng ligtas, responsable, at makabuluhang paggamit ng internet at social media laban sa pagkalat ng fake news at iba pang mapanlinlang na impormasyon.
Bahagi ito sa “KKDAT Summit 2026” kung saan pinagsama-sama ang mga miyembro ng KKDAT, kabataan, at iba’t ibang sektor ng komunidad sa Isabela para sa mga seminar, lectures, at youth engagement activities.
Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, patuloy na nahuhubog ang kamalayan, disiplina, at responsibilidad ng mga kabataan bilang mahalagang katuwang sa pagsusulong ng ligtas, mapayapa, at maunlad na pamayanan. Nagsisilbi rin itong daan upang higit pang mapatatag ang pagtutulungan ng kabataan, komunidad, at kapulisan sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon, pagpapanatili ng kaayusan, at pagbuo ng isang mas maalam at mapanuring lipunan.
Source: Isabela PNP