BPAT’s training para sa mas ligtas at mas matatag na barangay, inilunsad sa Tabaco City

0
viber_image_2026-06-29_09-31-43-711

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapaigting ng kampanya para sa ligtas at maayos na pamayanan, nagsagawa ang Tabaco City Police Station (CPS), katuwang ang mga Field Training Program (FTP) trainees ng PSFTP Class BALAGSIK, ng isang komprehensibong Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) Training para sa mga Barangay Tanod, opisyal ng barangay, at Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Basud, Tabaco City noong Hunyo 28, 2026.

Sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Virgil B. Bibat, Chief of Police ng Tabaco CPS, layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga frontline peacekeepers sa barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng kanilang komunidad.

Tinalakay sa pagsasanay ang iba’t ibang mahahalagang paksa tulad ng tamang paghawak ng mga kasong saklaw ng Katarungang Pambarangay, pag-iwas sa Online at Violent Extremism, kahandaan sa sakuna kabilang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Go Bag, mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at kabataan gaya ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act at RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, tamang pamamaraan ng pag-aresto, at Basic Arnis bilang paraan ng pagtatanggol sa sarili.

Bilang suporta sa kampanya laban sa ilegal na droga, nakibahagi rin ang mga kinatawan ng PDEA Albay upang magbigay ng impormasyon hinggil sa masamang epekto ng paggamit at pagkalat ng ipinagbabawal na gamot.

Isa sa mga tampok ng programa ang demonstrasyon at turnover ng Best Practice ng Tabaco CPS na “Baston Para sa mga Maton,” kung saan ipinagkaloob sa Barangay Basud ang 10 Arnis sticks at isang pares ng posas upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga Barangay Tanod sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan.

Ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga barangay ay isang mahalagang hakbang sa pagbuo ng mas ligtas na komunidad. Sapagkat katuwang ng mga awtoridad ang bawat barangay sa pagtataguyod ng isang ligtas at mapayapang komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *