Mga estudyante ng Tanchuling College, nakiisa sa seminar kaugnay sa data privacy at cyberlibel sa Legazpi City
Pinaigting ng Legazpi City Police Station (LCPS) ang kampanya nito para sa ligtas, responsable at makabuluhang paggamit ng teknolohiya matapos magsilbing resource speaker si PCpl Armin Angelo Villamil, Cybercrime and Crime Investigator ng LCPS, sa tatlong araw na seminar hinggil sa Data Privacy at Cyberlibel para sa mga college student ng Tanchuling College noong Agosto 11, 2026, sa TCI DARR Campus, Legazpi City.
Tinalakay ni PCpl Villamil ang mahahalagang konsepto tungkol sa data privacy at cyberlibel, kabilang ang responsableng paggamit ng social media at iba pang digital platform. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagprotekta sa personal na impormasyon, paggalang sa privacy at karapatan ng ibang tao, at pagiging maingat at responsable sa pagbabahagi at pagpo-post ng anumang nilalaman online.
Hinikayat din ang mga estudyante na maging mapanuri sa mga impormasyong kanilang nakikita at ibinabahagi sa internet, lalo na sa mabilis na pagkalat ng mga post at iba pang digital content. Ipinaalala na ang bawat online activity ay may kaakibat na pananagutan at dapat isaalang-alang ang epekto nito sa sarili at sa ibang tao.
Sa pamamagitan ng naturang seminar, patuloy na pinatitibay ng LCPS ang pakikipagtulungan nito sa mga institusyong pang-edukasyon upang mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng kabataan tungkol sa cyber safety, data privacy at responsableng paggamit ng teknolohiya, tungo sa mas ligtas at maayos na online community.