Batang may cleft palate sa Sorsogon, natulungan ng “The Ronnie Liang Project Ngiti Foundation”
Matagumpay na natulungan ng “The Ronnie Liang Project Ngiti Foundation” katuwang ang Smile Train Philippines ang limang taong gulang na may cleft palate na si Rodel T. Velasco III, o “Third,” residente ng Brgy. San Rafael, Donsol, Sorsogon.
Ang pagkakaroon ng cleft palate ay naging hamon sa kanyang pagsasalita at pagkain. Sa kabila nito, nanatili siyang masayahin at nangangarap na balang araw ay makangiti nang buong kumpiyansa. Dahil sa limitadong kakayahang pinansyal ng kanyang pamilya, tila mahirap abutin ang pangarap na ito hanggang sa naging daan ang malasakit at inisyatibo ng kapulisan upang mailapit siya sa mga institusyong handang tumulong.
Sa pamamagitan ng Sorsogon 1st Provincial Mobile Force Company–R-PSB Team San Rafael, isinagawa ang kinakailangang koordinasyon upang maiparating ang kalagayan ni Third sa The Ronnie Liang Project Ngiti Foundation, katuwang ang Smile Train Philippines.
Sa tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan, nailapit ang kanyang kaso sa St. Anne General Hospital sa Ibabang Dupay, Lucena City, Quezon, kung saan matagumpay na naisagawa ang kanyang libreng operasyon.
Naging mahalaga rin ang suporta ng MSWD Donsol, mga opisyal ng Brgy. San Rafael, at iba pang indibidwal at organisasyong naglaan ng tulong at malasakit. Higit pa sa pisikal na pagbabago, ang Project Ngiti ay naglalayong bigyan ang mga batang may cleft lip at cleft palate ng panibagong kumpiyansa at pagkakataong makisalamuha, makapag-aral, at mangarap nang walang takot o hiya.
Ang tagumpay ng operasyon ni Third ay patunay na kapag nagkaisa ang kapulisan, pamahalaan, pribadong sektor, mga organisasyon, at komunidad, ang isang simpleng pangarap ay maaaring maging magandang realidad.
Taos-pusong pasasalamat ang ipinapaabot ng pamilya sa The Ronnie Liang Project Ngiti Foundation, Smile Train Philippines, St. Anne General Hospital, at lahat ng naging bahagi ng bagong simula ng naturang bata.