Mahigit 200 traffic enforcers, sumailalim sa refresher training sa Albay
Sumailalim sa refresher training ang mahigit 200 deputized traffic enforcers sa Albay upang higit na mapalawak at mapalakas ang kanilang kaalaman sa mga batas, patakaran at tamang proseso sa pagpapatupad ng traffic regulations.
Isinagawa ito ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), sa pamamagitan ng Traffic Safety Division, sa Albay Astrodome.
Kabilang sa mga lumahok ang mga deputized officers mula sa Philippine National Police (PNP) at mga volunteer group gaya ng Nagkakaisang Bantay Bayan ng Pilipinas Incorporated (NBBPI).
Tinalakay sa pagsasanay ang Provincial Traffic Ordinance, Provincial Traffic Safety Code, gayundin ang mga umiiral na traffic management policies, procedures at enforcement protocols.
Binigyang-diin ni APSEMO Head Bobby Cristobal ang kahalagahan ng wastong proseso sa panghuhuli at tamang asal o decorum ng mga traffic enforcer sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Layunin ng APSEMO na patuloy na mapabuti ang pagpapatupad ng mga alituntunin sa trapiko upang mapanatili ang kaayusan, disiplina at kaligtasan sa mga kalsada sa buong lalawigan.