Project TULAY AKO, tumulong sa ma maayos na suplay ng tubig para sa Isnag community sa Pamplona
Naging tulay ang Project TULAY AKO (Tubig ag Ilaw Alay sa Mamamayan, Ayudang Kabuhayan Ora Mismo) sa pagtugon sa pangangailangan sa tubig ng mga Isnag community sa Barangay Gattu, Pamplona, Cagayan noong Agosto 20, 2026.
Naisakatuparan ang naturang inisyatiba matapos idulog ni Sangguniang Bayan Member Hon. Emil Alilam sa 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company at sa kanilang Company Advisory Group ang pangangailangan ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa lugar, partikular ang pagkakaroon ng mas maayos na sistema ng pag-iimbak at distribusyon ng tubig mula sa kanilang pinagkukunan.
Agad namang tinugunan ang naturang pangangailangan sa pamamagitan ng kusang pagkakaloob ng isang water tank ni Mr. Gilbert C. Chan, Vice President for Internal Affairs, kasama ang buong Company Advisory Group. Ang water tank ay magsisilbing imbakan ng tubig mula sa bukal na pinagkukunan ng mga residente at dadaloy patungo sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng mga hose, na makatutulong upang mapadali ang pagkuha ng tubig.
Pormal na isinagawa ang turnover ng water tank sa presensya ni Punong Barangay Rey Gabutan, kasama ang mga residente at benepisyaryo mula sa Isnag community. Pinasalamatan naman ni PMaj Jefferson D Mukay, Force Commander, ang patuloy na suporta ng Company Advisory Group at Local Government Unit sa mga programa at inisyatiba ng 2nd Cagayan PMFC.
Sa pamamagitan ng Project TULAY AKO at pagtutulungan ng kapulisan, Company Advisory Group, lokal na pamahalaan, at komunidad, patuloy na naihahatid ang konkretong suporta sa mga komunidad at natutugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan tungo sa mas maayos at maginhawang pamumuhay.
Source: 2nd Cagayan PMFC