BPAT members ng dalawang barangay sa Gattaran, Cagayan pinalakas ang kaalaman para sa peace and order
Pinalakas ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang kaalaman at kamalayan ng mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) members sa pamamagitan ng isang information and capability-building lecture na isinagawa noong Agosto 22, 2026 para sa mga BPAT members ng Barangay Taligan at Barangay Sidem, Gattaran, Cagayan.
Pinangunahan ng mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 2nd Cagayan PMFC, sa pangunguna ni PLt Charlie M. Cagayan, Platoon Leader, ang aktibidad na naglalayong higit na maging handa at epektibong katuwang ng kapulisan ang mga BPAT sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa kanilang mga komunidad.
Tinalakay sa lecture ang mga pangunahing pamamaraan sa pag-aresto, wastong paggamit ng handcuffs, mga tungkulin at responsibilidad ng BPAT, at legal na batayan ng citizen’s arrest. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng tamang proseso at koordinasyon sa PNP upang matiyak ang ligtas at naaayon sa batas na pagtugon sa mga insidente.
Ipinaunawa rin ni PLt Cagayan ang mga panganib na dulot ng loose firearms at ang epekto ng mga ito sa seguridad ng komunidad. Samantala, tinalakay ni PCpl Wilmer Corpuz ang Anti-Illegal Drugs at mga programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) bilang bahagi ng Project ALERT (Awareness Lecture to End Terrorism and Illegal Drugs) ng yunit.
Sa pamamagitan ng naturang information drive, hinikayat ang mga BPAT members na maging mas mapagmatyag at responsableng katuwang ng PNP sa pagtukoy, pag-iwas, at agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinala o ilegal na gawain sa kanilang mga barangay. Patuloy na isinusulong ng 2nd Cagayan PMFC ang mga programang nagpapalawak sa kaalaman at kakayahan ng mga community partners tungo sa ligtas, mapayapa, at maayos na pamayanan.
Source: PNP 2nd Cagayan PMFC