Albay PO at Bombo radyo, nagkaisa para sa dugong bombo blood donation program
Pormal nang pinagtibay ng Albay Police Provincial Office (Albay PPO) at Bombo Radyo ang kanilang partnership sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Oktubre 15, 2026, para sa Dugong Bombo Blood Donation Program. Layunin ng kasunduan na palakasin ang pagtutulungan ng dalawang institusyon sa pagsusulong ng serbisyong pangkomunidad at mga gawaing makatutulong sa pagliligtas ng buhay.
Sa ilalim ng programa, hihikayatin ang mga boluntaryo na makilahok sa pagbibigay ng dugo upang makatulong na matiyak ang sapat na suplay para sa mga pasyenteng nangangailangan, lalo na sa panahon ng mga emerhensiyang medikal at kalamidad.
Nakipag-ugnayan din ang mga katuwang na organisasyon sa Philippine Red Cross upang maisagawa nang maayos ang aktibidad. Bilang bahagi ng kasunduan, hihikayatin ng Albay PPO ang mga pulis at kawani nito na boluntaryong lumahok sa bloodletting activity na nakatakdang idaos sa Nobyembre 14, 2026, at magbibigay ng kinakailangang pahintulot at transportasyon para sa mga kalahok.
Samantala, maglalaan ang Bombo Radyo ng lugar at iba pang kinakailangang kagamitan para sa nasabing aktibidad, katuwang ang Philippine Red Cross at iba pang organisasyon. Magbibigay rin ito ng pagkilala sa mga tauhan ng Albay PPO na lalahok, gayundin ng commemorative shirts habang may suplay pa at meryenda para sa mga matagumpay na makapagbibigay ng dugo. Binigyang-diin ni Albay PPO Provincial Director PCOL Noel Donato Nuñez ang kahalagahan ng mga partnership na nagbubunga ng makabuluhang serbisyo publiko at nagbibigay ng pagkakataon sa mga pulis na makibahagi sa mga gawaing makatao.
Source:
https://www.facebook.com/share/p/1GupUUV5Tz/
Sa panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos