Sto. Domingo MPS at barangay officials, nagkaisa sa outreach activity para sa mga katutubo sa San Andres
Nagkaisa ang Sto. Domingo Municipal Police Station (MPS) at mga opisyal ng Barangay San Andres sa pagsasagawa ng outreach activity para sa Indigenous Peoples (IP) Community noong Nobyembre 22, 2026, bilang pagpapakita ng malasakit at sama-samang pagkilos para sa kapakanan ng mga kapatid na katutubo sa Sto. Domingo, Albay.
Pinangunahan ni Ma’am Maribel Consuelo ang inisyatiba, katuwang si PMAJ Darwin S. Sevilla, Chief of Police ng Sto. Domingo MPS, at mga opisyal ng barangay sa pamumuno ni Hon. Evelyn Banua. Layunin ng aktibidad na makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo at higit pang mapatatag ang ugnayan ng kapulisan, lokal na pamahalaan, at komunidad.

Bilang bahagi ng outreach activity, namahagi ng mga pangunahing kagamitan sa bahay, tsinelas, at food packs sa mga miyembro ng katutubong komunidad. Inaasahang makatutulong ang mga handog na ito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at maipadarama ang suporta at pagkalinga ng mga katuwang na sektor.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang Sto. Domingo MPS kay Ma’am Maribel Consuelo sa kaniyang bukal-sa-loob na pagtulong at patuloy na pagsuporta sa mga programang pangkomunidad. Binigyang-diin ng kapulisan na mahalaga ang pakikiisa ng mga pribadong indibidwal at lokal na opisyal upang maisakatuparan ang mga makabuluhang inisyatibang naglalayong makatulong sa mga sektor na nangangailangan ng karagdagang suporta.

Patuloy namang isinusulong ng Sto. Domingo MPS ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal at iba’t ibang sektor ng komunidad. Sa pamamagitan ng ganitong mga gawain, higit na napagtitibay ang tiwala, malasakit, at pagkakaisa ng kapulisan at mamamayan tungo sa isang ligtas, mapayapa, at nagkakaisang pamayanan.
Source: Sto. Domingo MPS Albay PPO https://www.facebook.com/share/p/1CGbpJrg3V/
Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos