Coastal Clean-up Drive, isinagawa sa Isla ng Cuyo
Pinangunahan ng mga opisyales ng Barangay Manamoc ang isinagawang coastal clean-up drive sa kahabaan ng dalampasigan ng Barangay Manamoc, Munisipalidad ng Cuyo sa Probinsya ng Palawan, nito lamang Marso 20, 2024.
Katuwang sa aktibidad ang mga miyembro ng Purok Clusters, mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at Barangay Tanods, opisyales ng KKDAT, at mga miyembro ng kababaihan sa naturang barangay.
Nakiisa rin ang kapulisan ng Cuyo Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Executive Master Sargeant Rodgiel S Cabanillas, MESPO.
Ang gawaing ito ay alinsunod sa “Kalinga at Inisyatiba Para sa Malinis na Bayan” na programang pagkalinisan ng pamahalaan na nakatuon sa muling pagbuhay at pagpapanibago ng “bayanihan spirit” sa mga mamamayan sa pagsugpo sa solid waste upang maprotektahan at mapanatiling malinis ang kapaligiran.
Ang naturang aktibidad ay nagpapakita ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa hangarin na magkaroon ng wastong pamamahala ng basura at magkaroon ng kamalayan ang publiko hinggil sa mga isyu ukol sa kalikasan. Isa lamang ito sa mga hakbangin upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran para maisulong ang Bagong Pilipinas.
Source: Cuyo MPS