Libreng Gupit, tampok sa RCSP Ugnayan sa Barangay sa Masbate City
Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaunlaran, at serbisyong makatao sa komunidad, nagsagawa ang mga tauhan ng Masbate 1st Provincial Mobile Force Company sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL DENNIS B. BALLA, Officer-in-Charge, ng programang “Libreng Gupit” para sa mga residente ng Barangay Asid noong Hunyo 16, 2026.
Isinagawa ang nasabing aktibidad kasabay ng City of Masbate Retooled Community Support Program (RCSP) 2026 Ugnayan sa Barangay, Enhanced Barangay Development Program (EBDP) Consultation, at Serbisyo Caravan na naglalayong ilapit ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan.
Ang programang ito ay bahagi ng implementasyon ng inisyatibo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na “Building Peace and Progress: Masbate City RCSP 2026” sa mga barangay na saklaw ng RCSP. Nakiisa rin sa gawain ang iba’t ibang ahensya at katuwang ng pamahalaan kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Masbate City Police Station (CPS), mga non-government organizations (NGOs), lokal na pamahalaan (LGU), at iba pang partner agencies.
Sa pamamagitan ng simpleng serbisyong ito, naipakita ang diwa ng pagkakaisa, malasakit, at pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng komunidad. Higit pa sa libreng gupit, nagsilbi itong pagkakataon upang mapalakas ang ugnayan ng mga mamamayan at ng mga tagapagpatupad ng batas, habang isinusulong ang kapayapaan at kaunlaran sa barangay.
Patuloy na nakikiisa ang Masbate 1st PMFC sa mga programang nagbibigay ng positibong pagbabago at naglalapit ng makabuluhang serbisyo sa mamamayan alinsunod sa layunin ng isang ligtas, maunlad, at mapayapang komunidad.