Kabataan ng Tuguegarao City, lumahok sa orientation hinggil sa SDEC at Unlad Kabataan Program
Aktibong lumahok ang mga kabataan ng Tuguegarao City sa isinagawang orientation tungkol sa Special Drug Education Center (SDEC) at Unlad Kabataan Program (UKP) na pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Robinsons Mall, Tuguegarao City noong Hunyo 16, 2026.
Tampok sa programa si PCpt Shiela Joy N. Fronda, Chief ng Public Information Office ng Cagayan Police Provincial Office (PPO), na nagbigay ng lecture tungkol sa Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT). Tinalakay niya ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng kabataan sa mga programang naglalayong sugpuin ang ilegal na droga, kriminalidad, at iba pang banta sa kapayapaan at kaayusan ng komunidad.
Sa kanyang talakayan, hinikayat ni PCpt Fronda ang mga kalahok na maging aktibong kasapi at katuwang ng kapulisan sa pagsusulong ng mga adhikain ng KKDAT. Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng kabataan bilang mga responsableng mamamayan at mga susunod na lider na maaaring magsilbing instrumento ng positibong pagbabago sa lipunan.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na gabayan at hubugin ang kabataan sa pamamagitan ng edukasyon, pagpapataas ng kamalayan, at pakikilahok sa mga makabuluhang programa. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, layunin nitong makapagtaguyod ng isang ligtas, mapayapa, at drug-free na komunidad, habang hinihikayat ang mga kabataan na maging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga pamayanan.
Source: Cagayan PPO