Outreach program, naghatid ng pag-asa sa Agta Tribe sa Pasuquin, Ilocos Norte
Matagumpay na naisagawa ang community outreach program para sa mga miyembro ng Agta Tribe sa Brgy. 2 Poblacion, Pasuquin, Ilocos Norte noong Hunyo 14, 2026 sa pagtutulungan ng Philippine Unified Brotherhood Riders Club (PUBRC) at ng 101st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1).
Naghatid ng saya at pag-asa ang programa sa pamamagitan ng libreng gupit, feeding program, pamamahagi ng mystery boxes, bitamina, at pre-loved clothes para sa mga katutubong pamilya. Ang bawat serbisyong ipinagkaloob ay sumasalamin sa malasakit at dedikasyon ng mga katuwang na organisasyon sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Malaki ang naging ambag ng PUBRC bilang isa sa mga pangunahing katuwang sa outreach activity. Sa pamamagitan ng kanilang aktibong pakikilahok at suporta, mas marami pang benepisyaryo ang nabigyan ng tulong at pag-asa. Ipinakita ng samahan ang kanilang patuloy na adbokasiya sa paglilingkod sa komunidad at pagtulong sa mga sektor na nangangailangan ng kalinga.

Naging matagumpay rin ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Help the Kids, Pasuquin Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection-Pasuquin, JPA Pharmaceutical, Mr. Donut Laoag City, Pastor Reynante Vivit, Operation Christmas Child Samaritan’s Purse, at mga opisyal ng Barangay 2 Poblacion.
Ang outreach program ay naging patunay na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, maihahatid ang makabuluhang serbisyo at pag-asa sa mga komunidad na higit na nangangailangan.
Source: 2nd MC, RMFB 1