PSBRC CL 2021-01 “SIGLAT-KATIGAN”, nagsagawa ng Community Outreach Program sa Balungao, Pangasinan
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-5 anibersaryo ng PSBRC CL 2021-01 “SIGLAT-KATIGAN” at ika-31 Police Community Relations (PCR) Month, matagumpay na nagsagawa ang 104th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1) ng PNP Community Outreach Program noong Hulyo 31, 2026, sa Barangay Mabini, Balungao, Pangasinan.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross Pangasinan Chapter–Urdaneta City Branch, Help the Kids Foundation, at Lokal na Pamahalaan ng Balungao sa pangunguna ni Hon. Maria Theresa Rodriguez-Peralta. Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob sa mga mag-aaral at residente ang supplemental feeding, lecture hinggil sa Basic Life Support (BLS), disaster preparedness drill, pamamahagi ng grocery supplies, school supplies at bigas, libreng gamot at konsultasyong medikal, gayundin ang libreng gupit.

Ipinakita ng makabuluhang inisyatibang ito ang patuloy na pangako ng Philippine National Police (PNP) at mga katuwang nitong organisasyon na palakasin ang ugnayan ng pulisya at komunidad, itaguyod ang diwa ng bolunterismo, at maghatid ng malasakit at serbisyong makatao sa mga mamamayang higit na nangangailangan. Naging gabay sa aktibidad ang panawagang,
“Sinanay Upang Gampanan ang Layunin at Tungkulin, Maging Kaagapay Tungo sa Ikauunlad at Handang Gabayan ang Nangangailangan.”