Anti-Illegal Drug Advocacy Lecture, inilunsad sa Larena, Siquijor

0
viber_image_2026-09-11_10-00-15-568

Nakiisa ang mga mag-aaral ng Siquijor State College (SSC) sa inulunsad na Anti-Illegal Drug Advocacy Lecture na may temang “Kabataan: Kaagapay sa Drug-Free, Peaceful, and Safe Community” na ginanap sa Gymnasium ng Siquijor State College (SSC), North Poblacion, Larena, Siquijor, noong Setyembre 9, 2026.

Pinangunahan ang programa ng mga tauhan ng Siquijor Police Provincial Office (SPPO), sa pamamagitan ng Police Community Affairs and Development Unit (PCADU).

Ang aktibidad ay bahagi sa paggunita ng 32nd National Crime Prevention Week, na nilahukan ng humigit-kumulang 1,200 CWTS at ROTC students bilang suporta sa “S.T.A.N.D. Strong: Stay True, Act Now Against Drugs!” Anti-Drug Campaign ng paaralan.

Tinalakay ng mga awtoridad ang mga masasamang epekto ng ilegal na droga sa pisikal, mental, sosyal, at akademikong kalagayan ng isang indibidwal, gayundin ang mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Binigyang-diin din ng kapulisan ang kahalagahan ng tamang pagpapasya, pag-iwas sa negatibong impluwensiya ng barkada, at pag-unawa sa mga legal na pananagutan kaugnay ng ilegal na droga.

Higit pa sa pagbibigay ng impormasyon, hinikayat din ng Siquijor PNP ang mga kabataan na maging positibong impluwensiya sa kanilang kapwa kabataan, itaguyod ang malusog na ugnayan, at aktibong makilahok sa mga programang naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa komunidad. Sa pamamagitan ng interactive discussion, open forum, at Pledge of Commitment, ipinahayag ng mga kalahok ang kanilang paninindigan na manatiling drug-free at maging responsableng mamamayan.

Naniniwala ang kapulisan na ang epektibong laban kontra ilegal na droga ay nagsisimula sa kaalaman, disiplina, tamang pagpapasya, at sama-samang pagkilos ng komunidad. Sa pakikipagtulungan sa mga paaralan at iba pang stakeholders, patuloy na pinatatatag ng kapulisan ang pundasyon para sa isang mas ligtas na kinabukasan para sa kabataan ng Siquijor.

Sa sama-samang pagkilos ng PNP, kabataan, paaralan, at komunidad, higit nating pinatitibay ang pundasyon ng isang henerasyong malayo sa ilegal na droga at handang maging katuwang sa pagbuo ng mas ligtas, mapayapa, at maunlad na Bagong Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *