PNP Technical Support Company, RMFB1, nagsagawa ng First Aid Training sa San Fernando City, La Union
Isinagawa noong Setyembre 13, 2026 ang isang First Aid Training sa Barangay Sagayad, San Fernando City, La Union, na pinangunahan ni PMSg Gideon Notario sa ilalim ng pangangasiwa ni PCPT Kaiser Ashley B. Uminyad.
Dinaluhan ito ng mga kalahok mula sa La Union High, Boy Scouts, at Gulong Chapter ng 1 Ganap Guardians Rehiyon Uno, na aktibong nakilahok sa mga lecture, demonstration, at hands-on exercises.

Tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang kaalaman at kasanayan sa Basic Life Support (BLS), Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), Cravat Bandaging, at Basic Self-Defense. Nabigyan din ang mga kalahok ng pagkakataong magsanay ng CPR gamit ang mannequins at maisagawa ang mga pangunahing pamamaraan ng first aid.
Isinagawa rin ang lecture at practical discussion hinggil sa wastong pagtugon sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo, kabilang ang pagtiyak sa kaligtasan ng lugar, pagtawag sa emergency responders, tamang pagsusuri sa kondisyon ng biktima, at pag-iwas sa mga hakbang na maaaring makapagpalala sa kanyang pinsala.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kahandaan ng komunidad at isulong ang sama-samang pananagutan sa pagtugon sa mga emergency at pagliligtas ng buhay.