BHW, sumailalim sa Gender-Responsive Interpersonal Communication Skill Training
Sumailalim ang mga piling Barangay Health Workers (BHW) sa 1st Batch ng Gender-Responsive Interpersonal Communication Skills Training on Responsible Parenthood and Family Planning (RP/FP) sa Sitio Maupot Family Resort, Magpet, Cotabato nito lamang ika 19-21 ng Hunyo 2024.
Ang aktibidad ay isang inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato sa pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, upang maisulong ang mas maayos na pag-iimplementa ng mga programang may kinalaman sa responsableng pagpapamilya at pagpaplano.
Ang mga partisipanteng BHW ay nagmula sa mga bayan ng Alamada (4), Aleosan (4), Antipas (4), Arakan (4), Banisilan (4), Carmen (4), Kabacan (4), Libungan (4), at sa syudad ng Kidapawan (6).
Layunin ng aktibidad na mabigyan ng malawak na kaalaman ang mga BHW para sa pagganap ng kanilang tungkulin sa pagbibigay ng tama at mahalagang impormasyon tungkol sa pagpapakasal at relasyon, responsible parenthood, family planning, at iba pang kaugnay na usapin.
Inaasahang sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, mapapaunlad ng mga BHW ang kanilang kasanayan sa komunikasyon at pagsasagawa ng aktibidad na gaya ng programang “Usapan” o talakayan sa kani-kanilang mga komunidad, na may sensitibong pananaw sa kasarian o gender sensitivity.